Naniniwala si House Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Ace Barbers na panahon nang isara ng Senado ang imbestigasyon sa ‘PDEA leaks.’
Payo ni Barbers sa counterpart niya sa Senado na si Senador Ronald Dela Rosa, huwag hayaang gamitin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na si Jonathan Morales ang kaniyang komite sa pagkaladkad ng mga indibidwal kasama na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iligal na droga.
Sabi pa ni Barbers, nakabatay lang naman ang pagdinig sa testimonya ng iisang indibidwal na ilang beses pang nagsinungaling sa miyembro ng komite.
At dahil sa pina-contempt na ng komite si Morales ay marapat lang na tapusin na rin ang pagdinig sa isyu.
“Well, sa tingin ko, tapos na iyon (Senate hearing), kasi ‘yung mga inimbita nilang mga resource persons, they were caught lying. And because they were lying, they were cited for contempt,” sabi ni Barbers, na tagapangulo ng House Committee on Dangerous Drugs.
“So bakit natin i-entertain yung mga kasinungalingan ng mga ito? So dapat talaga, sa tingin ko matutuldokan na yan at mawawala na ang usapin na yan,” dagdag niya.
Apat na pagdinig ang idinaos ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa PDEA leaks kung saan pinasinungalingan ng mga opisyal ng PDEA ang mga akusasyon ni Morales laban kay Pangulong Marcos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes