Matagumpay na naisagawa ng Quezon City Police District (QCPD) ang community outreach programs nito sa lungsod Quezon mula Mayo a- 3 hanggang a-9, 2024.
Ayon kay QCPD Director PBGen Redrico Maranan, bahagi ng inilunsad na programa sa komunidad ang pagbibigay ng mga lectures tungkol sa Community Anti-Terrorism Awareness (CATA), Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program/Drug Awareness, Crime Prevention Safety Tips, ang Safe Spaces Act, Bomb Awareness, Anti- Bullying,
Anti-Violence Against Women and Their Children o RA 9262 at ang Kapulisan Simbahan at Mamamayanan (KASIMBAYANAN).
Bukod dito, nagsagawa din ng livelihood programs at medical missions ang pulisya kasama ang pamamahagi ng IEC materials, food packs, hot meals at PARAK na pahayagan sa mga benepisyaryo.
Sa kabuuan, 59 na community outreach program ang naisagawa, na nagpaabot ng suporta at serbisyo sa kabuuang 3,997 na participants.
Sinabi pa ni Maranan, ang mga programang ito ay idinisenyo upang pasiglahin ang mas malapit na ugnayan sa pagitan ng law enforcement at ng komunidad.
Naghahatid din ito ng mahahalagang serbisyo at nagsusulong ng kamalayan sa mga kritikal na isyu.| ulat ni Rey Ferrer