Bumabagsak umano ang integridad ng Senado dahil sa ginagawa nitong pagdinig ukol sa “PDEA leaks” na nagdidiin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos na sangkot sa iligal na droga.
Sa pulong balitaan sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na malinaw na “smear campaign” o paninira ng reputasyon ang imbestigasyon ng komite ni Senador Ronald Dela Rosa.
Bilang dating PNP chief, batid aniya dapat ng senador na nakabase ang imbestigasyon sa ebidensya.
Bagay na wala ang dismissed PDEA agent na si Jonathan Morales.
Aniya, bagamat “in aid of legislation” ang layunin nito ay wala naman pinatunguhan ang pagsisiyasat.
Kaya apela ni Adiong na protektahan sana ng Senado ang reputasyon nito.
Sabi naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun, dapat ay itigil na ang imbestigasyon dahil puro lang ito kasinungalingan.
Para naman kay House Deputy Speaker at Quezon Representative Jay-Jay Suarez, aksaya lamang sa oras at resources ng Mataas na Kapulungan ang isang witness na kuwestyonable ang background.
Sinang-ayunan nito ni Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon na sinabing isang pathological liar si Morales.
Nakaka-alarma naman para kay 1 Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez na mismong si Dela Rosa pa ang handang magpatotoo sa kwestyonableng dokumento kahit pa pinasinungalingan na ito ng PDEA. | ulat ni Kathleen Jean Forbes