Malaking bagay ang mga natatanggap na suporta ng Pilipinas mula sa mga kabalikat nitong bansa.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng sinabi ng French Navy noong nakaraang linggo na interesado silang magsagawa ng balikatan exclusive exercises kasama ang Pilipinas.
Sabi ng Pangulo, nagpapasalamat ang pamahalaan sa ibang mga bansa na ang iba nanggagaling pa sa malayo, ngunit handa pa ring tumulong sa Pilipinas sa oras ng pangangailangan.
“Kami nagpapasalamat sa lahat ng mga iba’t ibang bansa kahit na hindi… Iyong iba nga ay nanggagaling sa malayo pa ngunit sila ay handang tumulong sa atin at kapag tayo’y nagkakaproblema, very supportive sila hanggang hindi lamang sa salita kung hindi pati na sa mga tinatawag na joint cruises.” —Pangulong Marcos.
Ang mga ganitong inisyatibo aniya ang tumutulong sa bansa upang igarantiya ang freedom of navigation sa West Philippine Sea (WPS).
“Kaya’t napakalaking bagay ‘yan dahil ito lang ang paraan upang magarantiya natin na ang West Philippine Sea ay patuloy ang tinatawag na freedom of navigation at ang daming dumadaan diyan at ‘yung tinatawag na global economy ay umaasa at kinakailangan para ang global economy ay gumanda, kailangan libre, ligtas ang lugar ng West Philippine Sea.” —Pangulong Marcos.
Malaking tulong ito, ayon kay Pangulong Marcos sa pagpapanatili ng kapayapaan at stability sa rehiyon.
“Kaya’t lahat ng tumutulong sa atin, tayo kasama rin diyan, lahat ng tumutulong sa Pilipinas, kami’y nagpapasalamat at ito ay magiging malaking bagay, malaking tulong para mapayapa at maging stable, may stability ang West Philippine Sea. Thank you.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan