Patuloy na mino-monitor ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kalagayan ng limang mga Pilipinong pasahero na nasaktan matapos mag-emergency landing ang Singapore Airlines flight SQ-321 sa Bangkok, Thailand noong Martes.
Ayon sa DMW, ang isang OFW na nakabase sa Singapore ay nagtamo ng bali sa leeg at injury sa likod, ay nakatakdang operahan ngayong gabi.
Samantala, ang UK-based Filipina nurse at ang kanyang dalawang taong gulang na anak at asawa ay nasa maayos nang kalagayan.
Ang ika-limang Pilipinong pasahero na 62 taong gulang na lalaki, ay nasa intensive care unit (ICU) at patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.
Tiniyak naman ng Singapore Airlines na sasagutin nito ang lahat ng gastusin ng mga apektadong pasahero.
Matatandaang patungo sana sa London ang nasabing flight nang makaranas ng severe turbulence dahilan para mag-emergency landing ito sa Bangkok. | ulat ni Diane Lear