Isyu ng human trafficking at iba’t ibang scam sa loob ng multinational village, nais imbestigahan ni Sen. Gatchalian

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nais imbestigahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang human trafficking at online scamming activities na sinasabing nangyayari at nagmumula sa loob mismo ng Multinational Village sa Parañaque.

Sa inihaing senate resolution 1032 ni gatchalian, isinusulong nitong masilip ang natanggap na impormasyon ng kanyang opisina tungkol sa mga nagaganap sa natirang village.

Aniya, nakatanggap ng liham ang kanyang tanggapan nitong May 8 mula sa isang grupo ng homeowners ng multinational village, kung saan umaapela sila sa mga otoridad na magsagawa ng imbestigasyon sa anila’y lumalaking populasyon ng mga kahina-hinalang dayuhan sa kanilang komunidad.

Ayon sa homeowners na ito, may isang lugar sa loob ng naturang subdibisyon na tinatawag na “City Garden”, na eksklusibong pinupuntahan at tinitirhan ng mga dayuhan kung saan hindi bababa sa 50 dayuhan ang nagsisiksikan sa loob ng mga inuupahang unit ng pabahay dito.

Kamakailan lang ay na-raid ang isang bahay sa loob ng subdibisyon, at nahuli ang 10 Chinese nationals na umano’y nagsasagawa ng mga aktibidad ng pang-iiscam, tulad ng love at cryptocurrency scam.

Arestado rin ang isang bodyguard na Pinoy dahil sa kanyang undocumented .45 caliber pistol.

Hinihinalang ang mga naarestong dayuhan ay mga pugante mula sa naunang ni-raid na POGO compound sa Bamban, Tarlac noong nakaraang Marso.

Binigyang diin ni Gatchalian, na kailangang matukoy ang lapses at butas sa mga proseso sa gobyerno at pambansang seguridad, na humantong sa pagtaas ng bilang ng krimen na kadalasang kinasasangkutan ng mga dayuhan.

Ang mga ito aniya ay nagdudulot ng banta sa seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us