Nakakasa na ang pagpapabalik sa isang Japanese national na lalaki sa kanyang bansa matapos itong maaresto ng mga awtoridad sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa patong-patong na kaso na kinahaharap nito.
Kinilala ang sinasabing Japanese fugitive na si Sugihara Hirotaka, 38-anyos, na inaresto dahil sa mga kaso na nakahain dito sa bansang Japan at sa isang deportation order na naihain dito noong 2021 pa.
Kinahaharap ni Hirotaka ang mga kaso ng pangingidnap at panghahalay sa isang babae sa Japan at ilan pang akusasyon ng mga mararahas na insidente kabilang din ang paggahasa sa mga menor de edad sa kanilang bansa.
Ayon sa BI, taong 2019 pa nagtatago sa bansa si Hirotaka na pumasok noon bilang turista pero hindi na kailan pa lumabas ng bansa hanggang sa maaresto ito sa Parañaque City.
Kasalukuyang nananatili si Hirotaka sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang deportation nito.
Siniguro naman ng BI Commissioner Norman Tansingco na hindi na makakabalik ng Pilipinas ang nasabing Japanese national dahil isasama na ang pangalan nito sa mga blacklisted at banned individuals mula sa pagpasok sa bansa.| ulat ni EJ Lazaro