Pinatitiyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga prosecutors ng gobyerno na gawin ang lahat ng ligal na paraan para maidiin sa kasong pandaraya ang mga opisyal ng Abra Mining and Industrial Corporation.
Ito’y matapos maghain ng kasong fraudulent trading of shares noong 2015 hanggang 2019 sa Department of Justice (DOJ) ang Secuties and Exchange Commission (SEC).
Noong May 3, nagsampa ng 441 counts ang SEC ng mga paglabag sa Securities Regulation Code at mga paglabag sa Revised Corporation Code.
Bukod dito, naghain din ng civil and criminal forfeiture ang SEC para hindi magalaw ang ari-arian ng mga respondent dahil sa paglabag sa Anti Money Laundering Act.
Kabilang sa mga kinasuhan sa DOJ ay ang president ng kompanya na si James Beloy, Corporate Secretary Ameila Beloy, Asian Transfer and Registry Corporation President Arline Adeva, at ilan pang mga opisyal ng kompanya.
Nag-ugat ang kaso matapos madiskubre ng SEC na umano’y nawala ang mga share of stocks ng Abra Mining and Industrial Corporation na walang ginawang public offering na nakalista sa Philippine Stock Exchange at sa Philippine Depository and Trust Corporation.
Ang share of stocks ang isa sa pinakamahalaga na element sa financial stability ng isang kompanya o negosyo.
Hawak na ng DOJ Task Force on Business Scam ang nasabing kaso. | ulat ni Mike Rogas