Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na halos 70 percent na ang overall progress status ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).
Batay sa pinakahuling report ng DOTr, nasa 69.86% na ang kabuuang progreso ng MRT-7 nitong April 2024.
Personal na ininspeksyon nina Transportation Secretary Jaime Bautista at San Miguel Holdings Corporation Vice President Raoul Romulo ang ginagawang MRT-7 depot at Station 6 o ang Batasan Station.
Ayon kay Secretary Bautista, nakikita niya na mabilis ang konstruksyon ng proyekto at natutuwa ito na matatapos na nila ang bahagi ng MRT-7 sa Quezon City, na inaasahang magsisimula nang mag-operate sa katapusan ng 2025.
Hangad aniya na sa tulong at pagsisikap ng lahat, maagang magbubukas ang bahaging ito ng MRT-7.
Dagdag pa ng kalihim, napakahalaga ng proyektong ito dahil inaasahang makapagbibigay ito ng serbisyo sa 300,000 mga pasahero sa unang taon ng operasyon.
Kapag natapos ang MRT-7, mula dalawang oras magiging kalahating oras na lamang ang biyahe mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte Bulacan. | ulat ni Diane Lear