Ibinida ni Philippine Army Vice Commander Maj. Gen. Leodevic Guinid ang kahalagahan ng bilateral na pagsasanay ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagpapalakas ng territorial defense capability ng Philippine Army.
Ito’y sa pakikilahok ni Maj. Gen. Guinid bilang kinatawan ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Roy Galido sa taunang “Land Power in the Pacific (LANPAC) Symposium and Exposition” sa Honolulu, Hawaii noong May 15, 2024.
Kasama ni Maj. Gen. Guinid sina US Army Pacific Deputy Commander Lt. Gen. James Jarrard, U.S. Navy Jeromy Williams, at retired U.S. Army General Lt. Gen. Mick Bednarek, na tumalakay sa topic na “Many Flags Make Light Work.”
Dito’y ibinahagi ng mga lider-militar kung paano nakakabenepisyo ang kooperasyon at partnership ng iba’t ibang Hukbong Katihan sa rehiyon, sa pagpapalakas ng kani-kanilang pwersang militar.
Ang LANPAC na inorganisa ng Association of the United States Army (AUSA) ay dinaluhan ng 2,000 representante mula sa 30 bansa, kabilang ang 13 Army chief mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. | ulat ni Leo Sarne
📸: Office of International Military Affairs, Philippine Army