Pinatunayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Armed Forces (USAF) ang kanilang pinagsanib na kakayahan na pigilan ang pag-atake mula sa karagatan sa matagumpay na pagdaraos ng counter-landing exercise, na bahagi ng Balikatan 39-2024.
Ang pagsasanay ng dalawang pwersa sa La Paz Sand Dunes sa Laoag kahapon ay kinatampukan ng pagmamaneobra ng mga pwersa at asset para maipagtanggol ang dalampasigan mula sa kalaban na nagtatanggkang dumaong sa kalupaan.
Dito’y ginamit ng AFP ang ATMOS 155 mm self-propelled howitzer, isang 105mm howitzer ng Army Artillery Regiment (AAR), PA, at dalawang 105mm howitzer ng Philippine Marine Corps.
Habang dineploy naman ng USAF ang dalawang US howitzers, 5.56 caliber rifles, medium at heavy machine guns, tatlong Javelin anti-tank missiles, at tatlong MAAWS (Multipurpose Anti-Armor Anti-Personnel Weapon System).
Sinabi ni Philippine Exercise Director Major General Marvin Licudine na sa pamamagitan ng ehersisyo ay napahusay ang inter-operability at kahandaan ng magkaka alyadong pwersa upang maitaguyod ang stabilidad sa Indo-Pacific Region. | ulat ni Leo Sarne
📸: (PAOAFP) TSg Obinque, Pfc Carmelotes, A1C Castro, Mr. Boboyo CivHR and The Army Artillery Regiment (AAR), PA