Mula Enero hanggang Abril 15 ngayong taon, mahigit na sa 34.4 milyong kilo ng basura ang nakolekta sa halos 21,000 barangay sa bansa.
Naisagawa ito sa ilalim ng ‘KALINISAN’ program ng Department of the Interior and Local Government.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos na ang lingguhang paglilinis ay matagal nang pangako ng gobyerno na dalhin ang ‘bayanihan spirit’ upang matiyak ang mas malinis at luntiang komunidad.
Hanggang Abril 15, nakapagtala na ng 580,224 na partisipante ang KALINISAN projects mula sa 20,974 barangays.
Sabi pa ng kalihim na sa bilang na ito, malinaw na ipinapakita ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
Ang KALINISAN sa Bagong Pilipinas Clean-up Drive ay unang ipinakita sa Barangay Holy Spirit, Quezon City noong Pebrero 24, 2024. | ulat ni Rey Ferrer