Pakikinggan ng mga mambabatas ang panig ng mga mangingisda sa Zambales partikular sa Bajo de Masinloc ngayong araw.
Ang Public Consultation ng House Committees on National Defense and Security at Special Committee on the West Philippine Sea ay bahagi ng imbestigasyon sa umano’y “gentleman’s agreement” sa pagitan ng dating administrasyon at China.
Dito malayang mailalahad ng mga mangingisda ang kanilang mga karanasan lalo na pagdating sa ginagawang panggigipit ng Chinese Coast Guard gaya ng paggamit ng water canon.
Ayon kay Zambales Representative Doris Maniquiz, sinabihan niya ang mga mangingisda na huwag mahihiyang iparating sa mga kongresista ang totoong sitwasyon sa tuwing sila ay pumapalaot at mangingisda gayundin ang kinakailangan nilang tulong mula sa pamahalaan.
Ayon sa mambabatas, aabot sa 1,000 pamilya sa Masinloc ang apektado ang kabuhayan dahil sa pagiging agresibo ng China.
At nangangamba sila na lalo pa itong tuluyang mawala dahil sa bagong polisiya ng China na manghuli ng mga dayuhan na iligal na papasok sa inaangkin nilang teritoryo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes