Nakatakdang lagdaan ng National Amnesty Commission (NAC) at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na magsusulong ng Amnesty Proclamation ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang paglagda sa MOA ay pangungunahan ni NAC Chairperson Atty. Leah Tanodra-Armamento, kasama si NCMF Secretary Atty. Sabuddin Abdurahim sa seremonya sa Philippine International Convention Center, Pasay City sa Biyernes.
Sa ilalim ng kasunduan, tutulungan ng NCMF ang NAC sa pagbibigay ng legal advice sa mga Muslim na benepisyaryo ng amnestiya, at ire-refer sa NAC ang mga Muslim na interesado sa programa.
Ang NCMF din ang magpapanumpa sa mga Muslim na aplikante sa programa, alinsunod sa mga alituntunin ng NAC.
Sa pagtutulungan ng NAC at NCMF ay inaasahang makakamit ang layunin ng programang pangkapayapaan ng pamahalaan na magtaguyod ng klima para sa matagumpay na panunumbalik sa lipunan ng mga dating rebeldeng Muslim. | ulat ni Leo Sarne