Kinuwestiyon ni Senador Chiz Escudero ang kawalan ng physical inspection ng Department of Energy (DOE) sa mga planta ng kuryente sa bansa.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinita ni Escudero ang tinawag niyang ‘desk maintenance’ lang na ginagawa ng ahensya sa mga planta.
Inamin ni energy Undersecretary Rowena Guevarra na hindi nakakagawa ng physical inspection ang DOE, maging ang Energy Regulatory Commission (ERC), dahil wala silang tauhan para magsagawa ng mga inspeksyon.
Ayon kay Guevarra, pianagsusumite lang nila ng report ang pamunuan ng mga planta tungkol sa kondisyon ng kanilang mga planta.
Napag-alaman ring walang opisyal o tauhan ng ng DOE at ERC na lubos na nakakaintindi sa kondisyon ng mga planta kaya naman lumalabas na pinaniniwalaan at pinalalagay na ng ahensya na totoo ang report na sinusumite ng mga power plants.
Dahil dito, hindi aniya talaga nakikita kung ano ang mga problema o kung tinatago lang ng generation companies (gencos) ang kondisyon ng kanilang planta.| ulat ni Nimfa Asuncion