Hiniling ngayon ni Speaker Martin Romualdez na magsumite ang Philippine Coast Guard (PCG) ng komprehensibong modernization plan sa Kamara.
Ayon sa House Speaker, ito ang magiging basehan nila sa paglalaan ng pondo sa Coast Guard oras na magsimula na ang pagtalakay sa susunod na national budget.
Bilang kabahagi ng PCG Auxiliary na may ranggo na Commodore, sinabi ni Romualdez na kailangan mailatag sa naturang plano ang mga hakbang at kinakailangang kagamitan ng Coast Guard upang mapaghusay ang kapabilidad nito lalo na sa pagpapatrolya at pagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas West Philippine Sea.
Giit na pa nito na importanteng bigyan ng suporta ang operational capacity ng PCG dahil sa nagpapatuloy na territorial dispute sa naturang lugar.
“Our national security and sovereignty are paramount. By ensuring that our Coast Guard is well-equipped and well-funded, we can better protect our territorial integrity against external threats and assert our sovereign rights in these contested waters,” ani Romualdez.
Dapat nakasaad aniya sa plano ang kasalukuyang kalagayan ng asset ng PCG, ang mga kakailanganing upgrade sa kanilang vessel at equipment, pagsasanay para sa mga tauhan, at mga inisyatiba para regional cooperation at maritime law enforcement.
Pagsiguro ng House leader na kaisa ang Kamara sa pagkilala sa mahalagang papel ng PCG at ang pagpapalakas sa kanilang hanay ay bahagi ng pagsusulong ng national at regional security.
“The House of Representatives is committed to backing the Philippine Coast Guard in its vital role. It’s not just about responding to immediate threats but also about maintaining a presence that underscores our commitment to national and regional security,” sabi ng House Speaker. | ulat ni Kathleen Jean Forbes