Kinuwestiyon ni Senador Jinggoy Estrada ang kredibilidad ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, iprinesenta ni Estrada ang mga dokumento na nagpapatunay na ilang beses nang natanggal, nabalik at muling natanggap sa serbisyo sa Philippine National Police (PNP) si Morales.
Ayon kay Estrada natanggal sa PNP si Morales noong April 25,1994.
Sinabi ni Morales na nakabalik naman siya sa serbisyo pero iginiit ni Estrada na base sa mga hawak niyang dokumento at impormasyon ay nasuspinde si Morales noong July 2007 hanggang September 2007 dahil sa reklamo sa People’s Law Enforcement Board (PLEB).
Duda rin ang mambabatas kung paano nakapasok sa Philippine Drug Enforcement Agency si Morales dahil sa mga record nito noong ito ay nasa PNP pa.
Dinagdag rin ng senador na nahatulan na rin si Morales ng paglabag sa Article 180 ng Revised Penal Code, o pagbibigay ng false testimony, kasong nakabinbin pa ngayon sa korte sa San Fernando, Pampanga.
Nahaharap rin aniya ito sa kasong estafa at slight physical injury sa Pasig City Court.
Dahil dito, iginiit ni Estrada na malinaw na kwestiyonable ang integridad at kredibilidad ng pagiging testigo ni Morales. | ulat ni Nimfa Asuncion