Inaasahang papasok sa bansa ang La Niña phenomenon sa ikatlong bahagi ng taon o simula Hulyo.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Joey Figuracion, bagama’t ramdam pa rin ang epekto ng El Niño dahil sa mainit na panahon kailangan nang paghandaan ang pagdating ng La Niña sa panahon ng tag-ulan.
Ang La Niña phenomenon ay nagdadala ng mas maraming ulan kaysa sa normal na tag-ulan at mas maraming bagyo ang inaasahang tatama sa kalupaan.
Bagama’t pumasok na ang Bagyong Aghon, hindi pa pormal na nagsisimula ang panahon ng tag-ulan dahil ang deklarasyon nito ay nakabatay sa dami ng ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Samantala, ang silangang bahagi ng bansa ay nakararanas na ng mga pag-ulan.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PAGASA sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapaghandaan ang anumang sama ng panahon na papasok sa bansa.
Sa ngayon, wala pang namo-monitor na bagong bagyo na papasok sa bansa ang PAGASA. | ulat ni Diane Lear