Inilunsad ngayong umaga ang “Voices from the Sea,” photo exhibit at video documentary na nagpapakita ng kondisyon at hamong kinahaharap ng mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Inorganisa ito ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, katuwang ang Peoples Development Institute at Bigkis ng Mangingisda Federation na kinabibilangan ng mga mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay PDI Pres. Ria Teves, layon nitong palawakin ang kaalaman ng publiko sa kondisyon ng mga mangingisdang naiipit sa panggigipit at harassment ng chinese vessels.
Nagbahagi rin ng kanilang sentimyento ang ilang mangingisda kabilang si Christopher de Vera ng Bigkis ng Mangingisda.
Ayon sa kanya, pahirapan na ngayon ang pangingisda sa Bajo de Masinloc dahil sila ay itinataboy at kapag nakipagmatigasan ay winawater cannon o di kaya pinuputol ang tali o lubid ng kanilang ankla.
Nagaalala rin ito sa mga bahurang nasisira na umano dahil sa presensya ng chinese vessels.
Hirit ng grupo, makaharap si Pang. Marcos at matulungan sila na itaguyod, protektahan at depensahan ang kanilang karapatang mangisda sa WPS sa harap ng pabigat na pabigat na hamong dulot ng mga pagpasok ng mga tsino sa West Philippine Sea.
Nais din ng mga mangingisda na humingi ng paumanhin ang gobyerno ng China para sa kanilang mga ginawa at magbigay sila ng bayad-pinsala sa mga mangingisdang pilipino.
Makikita ang photo exhibit sa Bocobo Hall, sa UP College of Law, Diliman, Quezon City. | ulat ni Merry Ann Bastasa