Inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na malaya na sa impluwensya ng mga rebeldeng grupo ang lahat ng barangay sa Northern Samar.
Ito’y batay sa ulat ng Philippine Army, bagama’t may namamataan pang 7 roving vertical formations ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ay hindi naman sinusuportahan ng mga barangay.
Nagtungo si Abalos sa Catarman, Northern Samar upang pangunahan ang pamamahagi ng mahigit ₱160,000 halaga ng livelihood at financial assistance sa 16 na dating rebelde.
Ginawa ito sa ilalim ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration (E-CLIP) na pinangangasiwaan ng DILG.
Bawat isang dating rebelde ay nakatanggap ng tig-₱15,000 agarang tulong, ₱50,000 na tulong pangkabuhayan, at firearm remuneration.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan ng pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng isang komunidad para sa pag-unlad at kapayapaan, matapos ideklarang insurgency-free.
Pinuri rin ng DILG chief si Northern Samar Governor Edwin Marino Ongchuan sa pagbibigay ng karagdagang tulong pinansyal at iba pang tulong sa mga dating rebelde. | ulat ni Rey Ferrer