Inihayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na bahagyang tumaas ang antas ng tubig sa Angat Dam at Ipo Dam sa Bulacan, gayundin ang La Mesa Dam sa Quezon City na dulot ng mga pag-ulan nitong nakaraang araw.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City ngayong hapon, sinabi ni MWSS Department Manager, Engr. Patrick Dizon na tumaas ang lebel ng tubig sa mga nasabing dam dahil sa ulan na dala ng Bagyong Aghon.
Nabatid na nasa critical level ang Angat Dam nitong mga nakalipas na araw, pero sa ngayon aniya ay tumaas ito.
Ani Dizon, as of 1 PM ngayong araw, nasa 179.97 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam kung saan nasa 1.11 meters ang itinaas ng antas ng tubig.
Ang minumum operating level ng Angat Dam ay nasa 180 meters.
Habang ang Ipo Dam naman ang nasa 99.96 meters ang antas ng tubig, iniiwasan naman ng MWSS na mag-overflow ang naturang dam at maabot ang spilling level nito na 101.1 meters.
At ang La Mesa Dam naman ay nasa 75.41 meters ang antas ng tubig at malayo pa ito sa spilling level na 80.15 meters.
Ang naturang mga dam ang nagsusupply ng 90% ng tubig sa Metro Manila.| ulat ni Diane Lear