Hiling ni House Speaker Martin Romualdez na mabigyang prayoridad ng Senado sa ilalim ng bago nitong liderato ang mga LEDAC at SONA priority measure ng Marcos Jr. Administration.
Ito ang tugon ng House leader sa tanong sa isang ambush interview kung anong mga panukala ang nais niyang matutukan ng Mataas na Kapulungan sa ilalim ng bago nitong Senate President na si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero
Maliban dito umaasa rin si Romualdez na mabigyang atensyon at mapagtibay din ang local bills na mahalaga aniya para sa kanilang mga ka-distrito.
“Tapusin lang ang mga priority LEDAC measure, SONA measures na hiningi ng ating presidente. Pero syempre kami pong mga kongresista nakikita nyo kami lahat dito, lahat ng mga local bills natin, marami kaming mga local bills for our concern, sana tapusin nila yan.” sabi ni Speaker Romualdez
Pagdating naman sa usapin ng economic charter change, sinabi ni House Speaker na hindi pa sila nagkakausap ni SP Escudero ukol dito.
Giit ni Romualdez, ang tanging nais lang nila sa Kamara sa pagsusulong ng amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ay para sa isang inklusibong ekonomiya kung saan lahat ng Pilipino ay makaka benepisyo. | ulat ni Kathleen Forbes