Nanawagan ang DILG sa mga lokal na pamahalaan partikular sa Metro Manila na magpatupad ng water conservation measures upang maiwasan ang supply interruptions.
Ginawa ni DILG Sec. Benhur Abalos ang panawagan sa gitna ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat dam, na inaasahang aabot na sa minimum operating level bago matapos ang buwan ng Mayo.
Nag-isyu na ang Kalihim ng Memorandum Circular (MC) No. 2024-065, para sa regular na monitoring ng local chief executives, kasama ang mga punong barangay ng mga metro ng tubig at gayundin ng mga tagas.
Nakapaloob dito na dapat tiyakin ng LGUs na lahat ng tanggapan ng gobyerno ay may hiwalay na water meter nang mabilis na ma-monitor ang konsumo ng tubig ng mga ito.
“Main building water pipe valves must be shut down from 7PM to 6AM, and building administrators must regularly check for leaks and faulty fixtures especially in toilets.”
Hinikayat rin ang LGUs na isulong ang paggamit ng rainwater harvesting sa government facilities o mga water catchment systems sa residential areas.
Kasama pa sa direktiba nito ang paglalatag ng information, education at communication campaigns sa water conservation measures.
Nanawagan din ang kalihim sa publiko na makiisa sa pagtitipid at maging responsable sa pagkonsumo ng tubig.
Giit ng Kalihim, mahalaga ang pagkilos ng lahat para maiwasan ang kakapusan ng tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa