Tiniyak ng Naval Forces Central ang patuloy nitong pagbabantay sa mga katubigang sakop ng bansa mula sa mga dayuhang barko na posibleng sangkot sa mga iligal na aktibidad.
Ito’y makaraang maharang ng mga tauhan ng Philippine Navy ang isang Liberian-flagged bulk carrier na MV Ohshu Maru na iligal na naglalayag sa Bohol Sea o 12 nautical miles, timog ng Lazi, Siquijor.
Ayon sa Philippine Navy, nakatanggap sila ng ulat mula sa Bureau of Customs hinggil sa naturang barko na isang linggo nang naglalayag sa lugar na walang isinusumiteng Notice of Arrival sa mga awtoridad.
Batay din sa impormasyon, sinasabing sangkot umano ang naturang bulk carrier sa iligal na pagpupuslit o smuggling activities.
Matagumpay namang naharang ang naturang barko na itinuturing ding Vessel of Interest sa isinagawang Joint Maritime Law Enforcement Operation.
Dinala naman ng mga tuahan ng Navy ang VOI sa designated anchorage area nito sa Macajalar Bay kung saan ito sumailalim sa inspeksyon ng BOC Cagayan De Oro City para sa kaukulang pagsasadokumento. | ulat ni Jaymark Dagala