Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na maayos na ang kalagayan ng limang mga Pilipino na sakay ng Singapore Airlines Flight SQ-321 na nakaranas ng severe turbulence at nag-emergency landing sa Bangkok, Thailand kahapon.
Ayon sa DMW, binabantayan nila nang maigi ang kalagayan ng mga nasabing Pilipino at kasalukuyan silang nasa iba’t-ibang ospital sa Bangkok at ginagamot dahil sa mga natamong sugat.
Lahat sila ay nasa maayos na kalagayan, kabilang ang sanggol, ngunit patuloy na inoobserbahan ng mga doktor ang kondisyon ng Singapore-based OFW na nagtamo ng neck fracture.
Tiniyak ng DMW at ng Philippine Embassy sa Bangkok na patuloy na tutukan ang kanilang kalagayan hanggang sa makalabas sila ng ospital at maipagpatuloy ang kanilang paglalakbay.
Matatandaang patungo sana sa London ang nasabing flight nang makaranas ng severe turbulence dahilan para mag-emergency landing ito sa Bangkok.| ulat ni Diane Lear