Tinukoy ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang maraming butas o pagkukulang sa batas kaya nalusutan ang pamahalaan at nakapagtayo ng resort sa sikat at “protected” area na Chocolate Hills.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng Committee on Natural Resources ukol sa iligal na pagpapatayo ng Captain’s Peak resort sa Chocolate Hills na tinaguriang national heritage, at idineklarang geological park ng UNESCO.
“The problem na nakita ng committee na ito, headed by Chairman Marañon, was may loopholes, may gray area. Tama yung sinasabi ni Chair na dapat ito is DENR’s job.”
Ang Captain’s Peak ay nakatayo sa isang “alienable and disposable land” na ideneklara ng pamahalaan noong pang 1920s na ang ibig sabihin ay pwede na itong maibenta sa pribadong indibidwal.
Ngunit sa pamamagitan naman ng Proclamation No. 1037 noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos ideneklara ang Chocolate Hills na isang “natural monument” para protektahan at ipagbawal ang pagtatayo ng ano mang istruktura sa naturang lugar.
Pero noong panahon naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo inamyendahan ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 333 at pinagbawalan lamang na makapagpatayo ng istruktura sa Chocolate Hills at 20 meters mula sa baseline ng bawat hill.
“Yung sinasabi nila, kahit nasabihin nila 1926 pa, alienable, pwede na ibenta, pwede na i-develop yung lugar na yun. Pero por diyos por santo, I mean, national heritage, tourist attraction, lalagyan mo naman kung ano-ano, hindi maganda sa mata, di ba? Dapat kinorect ng secretary ng DENR noon si dating Pangulong Ramos. Nasa kamay nila ito to correct it. Pero hindi lang kinorect. So, may naging problema. Kaya nga ngayon, itong committee ngayon, we heard a lot already. We will do something about it,” dagdag ni Tulfo.
Mula sa imbestigasyon ay bubuo sila ng rekomendasyon para itama ang batas upang hindi na maulit pa.
“So, I guess they really have to fix that. Mabuti naman na it was brought to our attention para kami naman sa Congress can fix this yung mga batas kung meron mga gagawin, which I’m sure kailangan i-adjust. Kaya nga, we did this hearing,” sabi pa ni Tulfo.| ulat ni Kathleen Forbes