Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang rekomendasyon mula sa technical working group (TWG) na tapusin ang limang taong motorcycle taxi pilot program.
Binigyang diin ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na wala silang rekomendasyon na limitahan ang programa sa tatlong MC player lamang sa Metro Manila.
Paliwanag ni Guadiz, itinigil lamang nila ang pangangalap ng datos at hindi ang programa mismo.
Dagdag pa niya, ang rekomendasyon ng MC Taxi technical working group ay dagdagan ang bilang ng mga kalahok at palawakin ang sakop ng programa sa mas maraming lugar.
Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng bilang ng mga MC player at mga lugar na sakop ng operasyon, mas matutukoy ng TWG ang tunay na epekto ng pilot study.
Ayon pa kay Guadiz, naniniwala ang mga mambabatas na ang limitadong pag-aaral sa tatlong player sa Metro Manila ay hindi sapat para masuri ang epekto ng mga MC taxi sa kaligtasan, seguridad, ekonomiya, trapiko, at iba pang pampublikong transportasyon.
Nakatanggap na ang LTFRB ng karagdagang apat na Transport Network Companies (TNC) na may 8,000 accredited riders sa Region 3 at 4.
Tiniyak ni Guadiz na nananatiling prayoridad ng LTFRB ang komprehensibo at inklusibong pagsusuri ng motorcycle taxi pilot program sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw at mga kalahok nito.| ulat ni Diane Lear