Hinimok ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko na isuplong ang mga motorista na patuloy pang gumagamit ng wang-wang.
Ang apela ng LTO ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itigil na ang paggamit ng wang-wang at blinker ng mga hindi awtorisadong sasakyan.
Maaari umanong itawag sa LTO Aksyon On the Spot hotline na 0929-292-0865 ang sino mang gumagamit nito.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, maaaring ireklamo sa ahensya ang mga pribadong sasakyan maging ang mga ahensya ng gobyerno.
Nilinaw ni Mendoza na pinapayagan lamang gumamit nito kung kinakailangan ay ang sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), ambulansya at iba pang emergency vehicles Samantala, nilinaw ni Mendoza na bukod sa wang wang at blinker,maaari ring ireklamo sa hotline ang mga pasaway na motorista sa kalsada at scammer na ginagamit ang pangalan ng LTO. | ulat ni Rey Ferrer