Sa gitna ng paglaganap ng online scam, inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) ang “Aksyon on the Spot” hotline ng ahensya.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, lahat ng reklamo ay maaari nang i-text sa hotline kabilang ang phishing scam.
Ang phishing scam ay gawain ng cybercriminals na nagpapadala ng fake traffic violations gamit ang email o text message na sinasabing mula sa mga kumpanya at ahensya ng gobyerno.
Sinabi ng kalihim na hindi lamang tutugon ang LTO sa mga phishing scam kundi pati na rin sa mga mapang-abuso at pasaway na motorista sa mga kalsada.
Para maka access sa “Aksyon on the Spot”hotline,kailangan lamang ng road users na mag-text sa 09292920865 kapag may ipararating silang sumbong sa LTO.
Sisimulan na rin ng LTO ang pamamahagi ng “Aksyon on the Spot” stickers sa mga motorista, partikular sa mga magpaparenew ng license registration ng kanilang sasakyan. | ulat ni Rey Ferrer