Matapos ang anim na taong paghihintay, may plaka na ang mga tricycle sa Quezon City.
Ito ay makaraang pormal na iturnover ni LTO Chief Vigor Mendoza sa QC LGU sa pamamagitan ni Vice Mayor Gian Sotto at QC Traffic Czar Dexter Cardenas ang may 2,900 na motorcycle plates ng mga TODA driver.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang QC LGU ang unang nahatiran ng plaka ng mga TODA dahil sa matinding pagpupursigi ng lokal na pamahalaan na mabigyan na ng plaka ang mga bumibiyaheng tricycle sa lungsod.
Tugon na rin aniya ito ng LTO sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na gawing zero backlog na ang plaka ng mga sasakyan sa buong bansa.
Pagtuntong ng buwan ng hulyo ngayong taon, asahan din aniya na mawawala na ang 12 milyong backlog sa mga regular plates at sa buwan ng disyembre ngayong taon ay maipamamahagi na ang may 1.5 milyong green plates na matagal nang dapat palitan ng puting plaka o tinatawag na replacement plates.
Maging ang drivers license plastic cards ay magiging zero backlog na rin sa darating na buwan ng Hulyo ngayong taon.
“Ang standing order po sa LTO ni Pangulong Marcos na tapusin na ang backlog sa plaka at lisensiya kaya ito po ang patuloy na ginagawa namin at asahan na sa pagpasok ng 2025 ay wala nang problema sa plaka at lisensya” dagdag ni Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa