Pag-uusapan pa ng majority bloc ng Senado ang kahihinatnan ng panukalang pag-amyenda sa economic provision ng Saligang Batas o Economic Cha-Cha ngayong nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Mataas na Kapulungan.
Ito ang ipinahayag ni bagong Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero.
Dati nang ipinahayag ni Escudero ang kanyang pagtutol sa panukalang Cha-Cha at sinabi nito sa pulong-balitaan kahapon na wala siyang balak na palitan ang kanyang posisyon.
Pero nang matanong kung maituturing nang patay ang Eco Cha-Cha sa Senado, sinabi ni Escudero na hindi pa niya ito masasabi.
Samantala, hindi na muna matutuloy ang nakatakdang regional consultation sa Cebu at Cagayan de Oro para sa panukalang Eco Cha-Cha ngayon sanang Huwebes at Biyernes.
Ito ay dahil nagbitiw na si Senador Sonny Angara bilang chairperson ng Senate Subcommittee on Constitutional Ammendments na tumatalakay sa naturang panukala.
“It’s not for me to say… because again I have my own position, we will discuss it and have no reason to change my position… Pansamantalang hindi matutuloy ‘yon… We will not hold any such hearings outside of Metro Manila. We’re doing it inside the Senate. And we will formally make known our decision as a group and as a Senate with respect to this,” pahayag ni SP Escudero. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion