Nasa mahigit 4,000 trabaho ang alok sa ikinasang Mega Jobs Fair na pangungunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Labor Day.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ang mga naturang alok na trabaho ay nagmula sa 18 licensed recruitment agencies na siyang kalahok sa naturang Mega Jobs Fair.
Isasagawa ang Mega Jobs Fair sa Robinson’s Galleria sa Ortigas na nasa tapat lamang ng tanggapan ng DMW na magsisimula sa ganap na alas-10 ng umaga.
Kasunod nito, isang Memorandum of Understanding (MOU) ang lalagdaan sa pagitan ng DMW at ng Robinson’s Land Corporation ganap na alas-2 mamayang hapon.
Dahil dito, nagpaabot ng paanyaya si Sec. Cacdac sa mga nagnanais magtrabaho abroad na samantalahin ang pagkakataon, basta’t dalhin lamang ang mga kinakailangang dokumento. | ulat ni Jaymark Dagala