Umabot na sa mahigit ₱3.6 milyon ang halaga ng tulong na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng nagdaang Bagyong Aghon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, nakapagbigay na ang ahensya ng ayuda sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Sa ngayon, mahigit 36,000 pamilya o higit 128,000 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Aghon sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ilan sa mga pamilyang ito ay tumutuloy sa mga evacuation center sa NCR at CALABARZON.
Tiniyak naman ni Asec. Dumlao na handa ang DSWD na magbigay ng karagdagang tulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga lugar na nasalanta ng bagyo. | ulat ni Diane Lear