Pinaigting ng pamahalaan ang pagsisikap nito para sa kolektibong pagkilos na labanan ang epekto ng La Niña gayundin ang papalapit na tag-ulan.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), mahigpit ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang ahensya, mga lokal na pamahalaan maging ang iba’t ibang grupo para matiyak ang karampatang paghahanda.
Giit ng OCD, hindi na bago ang mga pag-uulan dahil madalas itong nararanasan ng bansa taon-taon kung kaya’t nakalatag na ang mga protocol, mekanismo, at mga plano para rito.
Marami anilang kaakibat na panganib ang pag-uulan gaya ng malakas na hangin na maaaring makapinsala sa mga kabahayan, pananim, at iba pa; mga pagbaha, at maging ang pagguho ng lupa.
Ayon sa OCD, para sa mga paalala at payong pangkaligtasan, maaaring bisitahin ng publiko ang kanilang website na: ocd.gov.ph para ma-check ang mga material na magagamit para mapaghandaan ang La Niña at tag-ulan. | ulat ni Jaymark Dagala