Muling ipinanawagan ni Makati Representative Luis Campos na mapagtibay na ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa telecommunications company o telcos, na bigong makamit ang mas mabilis na internet target.
Tinukoy ng mambabatas ang resulta ng Speed test Global Index ng Ookla nitong Abril, kung saan mayroon lamang 32.37 MBPS o bilis ng data transfer speed ang Pilipinas kumpara sa mga karatig bansa sa Asya gaya ng Thailand na may 45.05 MBPS, Vietnam na may 50.88 MBPS, at Brunei na umaabot ng hanggang 102.41MBPS.
Ito ay kahit pa pang 11 ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa dami ng internet users o katumbas ng 85 million na Pilipino.
Batay sa House Bill 10215 ni Campos, ang telcos na hindi makakasunod sa compulsory internet speed target ay papatawan ng P1 million na regulatory fine kada araw hanggang sa makatalima.
Paalala ng kinatawan, na mandato ng estado na pangalagaan ang interes ng consumer at kasama dito ang mga gumagamit ng internet. | ulat ni Kathleen Forbes