Naging highlight ang mga makukulay na bangka na gawa ng mga Isabeleños sa Parada Sakayan Boat Float Competition 2024 na bahagi ng pagdiriwang ng LaSakayan Festival sa lungsod ng Isabela de Basilan kamakailan.
Tampok sa aesthetic ng mga makukulay na “boat float” ang iba’t ibang cultural communities na napadako sa lungsod at kontribusyon ng mga ito sa Isabela City.

Nasa 10 partisipante mula sa iba’t ibang ahensya, organisasyon, mga asosasyon, at fraternities ang nakilahok sa naturang kompetisyon kung saan kanilang ipinamalas ang kanilang mga talento at pagkamalikhain.
Ibinaybay ng Fluvial Float Parade ang Isabela Channel patungo sa Fuego-fuego beach ng naturang lungsod.

Itinanghal na grand winner ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) – Basilan para sa kanilang presentasyon ng kulturang Meranao, habang nasungkit ng Infante Hospital ang ikalawang pwesto para sa kanilang presentasyon ng Yakan Community, at nasa ikatlong pwesto naman ang Department of Education (DepEd) – Isabela City para sa kanilang presentasyon ng tradisyong Tagalog.
Ang Fluvial Float Parade Competition ay isa lamang sa mga highlight ng LaSakayan Festival ng lungsod o ang 23rd Cityhood Anniversary ng Isabela de Basilan. | ulat ni Justin Bulanon | RP1 Zambonga
: Isabela City LGU
