Nakararanas ngayon ng mabagal na usad ng mga sasakyan sa bahagi ng EDSA-Ortigas Southbound ngayong araw.
Ito’y matapos na biglang lumitaw ang malaking lubak sa nabanggit na lansangan matapos lang ang dalawang araw na pag-ulan.
Pagbaba ng EDSA Ortigas flyover, sasambulat sa mga motorista ang naturang lubak na siya ngayong iniiwasan para hindi madisgrasya.
Ayon sa mga motorista, nakakaabala ang malaking lubak lalo’t wala man lang orange cone o orange barrier para magsilbing babala sa mga dumaraan.
Kaya naman umaapila ang mga motorista na sana maayos sa lalong madaling panahon ang lubak para hindi na makaperwisyo pa.
Nabatid na dati nang inaspaltuhan ng mga tuahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naturang lubak pero natuklap ang aspalto nito. | ulat ni Jaymark Dagala