Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang 38-anyos na Malaysian na blacklisted sa Pilipinas at tangkang paalis sana pabalik ng kaniyang bansa.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga kawani ng Immigration kaugnay ng biyahe ng dayuhan at inabangan ang pagdating sa NAIA Terminal 1 kung saan siya dinakip bago makasakay ng Malaysian Airlines flight papuntang Kuala Lumpur.
Batay sa record ng Immigration, ipina-blacklist noong nakaraang taon ang dayuhan at hindi pinayagang makapasok ng bansa matapos mabigong magpakita ng mga patunay sa dahilan ng pagbisita sa Pilipinas.
Dati na rin umanong inireklamo ng pitong buwang overstaying ang dayuhan at walang naipakitang ebidensya o paliwanag sa extended na pamamalagi sa bansa.
Nasa kustodiya ngayon ng Immigration sa Camp Bagong Diwa ang Malaysian habang pinoproseso ang kanyang deportation. | ulat ni Lorenz Tanjoco