Nais ng isang mambabatas na pasimplehin ang national minimum wage structure.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, mula sa 17 wage boards kada rehiyon ay gawin na lamang itong anim na cluster.
Sa ganitong paraan aniya ay mas madali ang pamamahala, pag-regulate at pagpapatupad ng wage increases at liliit ang wage gaps at poverty gaps sa pagitan ng mga malalaki o mayamang rehiyon at mahihirap na rehiyon.
Sa clustering, pagsama-samahin ang pare-parehong rehiyon na may magkakahalintulad na wage levels.
At sa loob ng bawat cluster ay iisang minimum wage rate lang ang ipapatupad.
Umaasa rin si Chua na sa hinaharap ay wala nang minimum wage na mas mababa sa poverty threshold.
“Sa aking pag-aaral ng mga minimum wage levels ng mga rehiyon, dapat nang baguhin sa pamamagitan ng isang bagong minimum wage law ang paraan ng pagtatakda ng minimum wage. Hindi na dapat by region. By clusters of regions na dapat. At sana balang araw wala na dapat minimum wage na mababa sa poverty threshold.” sabi ni Chua. | ulat ni Kathleen Jean Forbes