Nagbabala si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa aniya’y lumalalang insidente ng pagpasok at pagbebenta ng mga ipinuslit at iligal na tobacco products sa bansa.
Tinukoy ng mambabatas ang ulat ng Transnational Alliance to Combat Illicit Trade (TRACIT) na ang pagbebenta ng mga iligal na produktong tabako ay nagagamit pampondo ng organized crime groups at terorista maliban pa sa malaking kabawasan sa nasisingil na buwis ng pamahalaan, insidente ng forced labor at human rights abuse.
Sabi pa niya na bagamat 10% lang ang average na illicit tobaco incidence sa buong mundo, ang mga bansa sa ASEAN, kasama ang Pilipinas ay nasa 15%.
“Illicit cigarettes in the Philippines are reportedly exported from Indonesia, predominantly through ports such as Nunukan and Tarakan, as well as large volume of imports from Vietnam, Cambodia and India that transit through Singapore,” sabi ni Rodriguez.
Batay pa aniya sa report ng TRACIT aabot sa P100 billion ang nawawalang kita ng pamahalaan dahil sa hindi nasisingil na buwis sa ipinuslit na tobacco products.
Katunayan, mula aniya noong 2021 kung saan nakasingil ng P176 billion ay bumaba na lang ito sa P135 billion nitong 2023.
Mungkahi ni Rodriguez, makipagtulungan sa mga karatig bansa sa ASEAN para sa paghihigpit ng mga border upang masugpo ang pagpupuslit ng tobacco products na maituturing na isang transnational crime.
“We should call and partner with our ASEAN neighbors to solve this cross border illegal trade. Our tax and customs officials, as well as Departments of Finance, Foreign Affairs, Agriculture, and Trade and Industry officials should make official representation with their counterparts to discuss and resolve this issue, with the members of Congress of the Philippines ready to support by enacting or amending Philippine laws and policies, as needed,” diin pa ni Rodriguez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes