Binigyan diin ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes ang kagyat na pangangailangan na muling bisitahin ang mga umiiral na patakaran sa vaping upang mabawasan ang posibleng pagsisimula ng e-cigarette o Vape-Associated Lung Injury (EVALI) sa mga kabataan.
Hinimok ni Reyes ang mga kapwa mambabatas na muling pag-aralan ang Republic Act 11900, o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, at ang isinusulong na ilipat ang mandato ng pag-regulate ng mga produktong vape sa Food and Drug Administration (FDA) sa halip na sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay Reyes, isang pagkakamali na ilipat sa DTI ang superbisyon ng Vape Law dahil sa ngayon ay nakikita na ang negatibong epekto nito.
Diin ng mambabatas, kailangan repasuhin ang IRR ng batas na ilipat sa DOH at FDA ang pag-regulate dito at hindi sa DTI.
Ginawa ni Reyes ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine College of Chest Physicians na tumataas ang bilang ng kaso ng EVALI sa buong bansa.
Ang EVALI ay isang medikal na kondisyon kung saan nasisira ang baga dahil sa substance na nakahalo sa vaping products.
Giit ng partylist solon, bagaman sinasabi nilang ligtas na alternatibo ang vaping sa sigarilyo, may banta pa rin ito sa kalusugan ng tao. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes