Nais ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. na magkasa ng pagsisiyasat sa Bureau of Immigration sa kung paano nakapasok ang libong Chinese nationals na kasalukuyang nag-aaral sa Cagayan Valley Region, kung saan may tatlong EDCA sites.
Ipinunto ni Abante sa kaniyang privilege speech na kaniyang ikinabahala ang napakalaking bilang ng Chinese nationals na pinili sa Cagayan mag-aral.
“We should take this matter seriously. While these Chinese nationals are ‘students,’ their influx and their choice of school location should awaken and alarm us,” paalala ni Abante.
Giit niya hindi lang ito basta banta sa ating educational system at national security, pati na sa integridad at katapatan ng mga ahensya ng pamahalaan.
Naniniwala kasi ang mambabatas na hindi malayong may korapsyon sa pagpapalusot ng napakaraming Chinese nationals para makapasok ng bansa.
Partikular na nais pagpaliwanagin ni Abante ang Immigration Regulation Division Head at Visa Section for Tourist. | ulat ni Kathleen Jean Forbes