Kapwa nanawagan sina Assistant Majority Leaders Jil Bongalon at Paolo Ortega na magkaroon ng mas mahigpit na panuntunan sa pagpapapasok ng mga Chinese student sa bansa dahil sa banta sa seguridad.
Sa isang pulong-balitaan sa Kamara, kapwa sinuportahan ng dalawang mambabatas ang ginawang pulong ng Inter-Agency Committee on Foreign Students (IACFS) para pag-usapan ang biglang dami ng Chinese nationals na nag-aaral sa Pilipinas.
Ani Bongalon, welcome development ito lalo at ang national security ng bansa ang nakasalalay.
“This is a welcome development because what is at stake here is our national security, and one of the non-negotiables in our country is our national security. We want to make sure that the screening process of these students who are interested in entering the Philippines and having their education here should undergo a very strict process,” sabi ni Bongalon.
Ayon naman kay Ortega mahalagang pagtulungan ng mga ahensya ang pagsilip sa pagdami ng foreign nationals lalo na sa Cagayan.
“I would just like to urge itong binuong interagency to look into the issue kasi talagang trabaho nila ‘yan. Part of their work is also looking at trends, projecting trends ng national and international bakit may influx ng ganitong number of people dito sa lugar na ito,” ani Ortega.
Batay sa datos ng Bureau of Immigration, umabot ng hanggang 16,200 na student visa ang kanilang ibinigay sa mga Chinese nationals noong 2023. | ulat ni Kathleen Jean Forbes