Inisyuhan na ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) ang rehistradong may-ari ng Mercedes Benz na sangkot sa umano’y road rage incident at nagresulta sa pamamaril sa Makati City nitong martes.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakikipagtulungan na ito sa ikinakasang imbestigasyon ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa insidente.
“Malakas ang koordinasyon ng inyong LTO at ng PNP especially sa mga ganitong uri ng krimen. Upon the request ng PNP ay tumulong po tayo sa isinasagawang imbestigasyon ng PNP and on our part, we issued an SCO against the registered owner,” Assec Mendoza.
Sa SCO na pirmado ni LTO-National Capital Region Regional Director Roque Verzosa III, pinahaharap ang registered car owner mula sa Las Piñas City sa LTO-NCR office para magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat managot sa Reckless Driving sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01, at Improper Person and to Operate a Motor Vehicle sa ilalim ng Republic Act 4136.
Hiwalay pa ito sa kasong kriminal na kahaharapin ng motorista sa kanyang pamamaril.
Naka-alarma na ang naturang sasakyan habang gumugulong ang imbestigasyon.
Kasunod nito, muling nagpaalala si Asec. Mendoza sa mga motorista na iwasang pairalin ang init ng ulo sa kalsada. | ulat ni Merry Ann Bastasa