Tiniyak ng Manila Electric Company (MERALCO) na handa silang tumalima sa panawagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na gawing utay-utay ang pangongolekta sa mga konsyumer sakaling magpatupad ito ng dagdag singil sa kuryente.
Ito ang tugon ng MERALCO kasunod ng pinangangambahang pagmahal ng presyo ng kuryente bunsod ng manipis na reserba nito dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Ayon kay Anne Claire Feliciano, Public Relations Head ng MERALCO, nananatili silang “proactive” upang hindi maramdaman ng mga customer nila ang epekto ng pagtataas sa singil sa kuryente.
Gaya sa mga nakalipas na panahon, sinabi ng MERALCO na mahigpit silang makikipag-ugnayan sa kanilang mga supplier gayundin sa ERC para utay-utayin ang pagpapatupad ng dagdag singil sa sandaling kailanganin.
Subalit sinabi ng MERALCO na ito’y panandaliang solusyon lamang sa kasalukuyang mga hamon at umaasa sila na dumami pa ang mga power generator upang matiyak ang sapat na suplay at mapanatiling mababa ang presyo ng kuryente. | ulat ni Jaymark Dagala