Pinaghahanda ng Manila Electric Company (MERALCO) ang mga kalahok sa Interruptible Load Program (ILP) para sa posibleng pagkalas sa Grid upang makatulong na pababain ang demand sa kuryente.
Ito’y makaraang isailalim muli ngayong araw ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Yellow Alert ang Luzon Grid dahil sa manipis na suplay ng kuryente.
Ayon sa MERALCO, mananatili silang naka-antabay sa sitwasyon ng Grid upang magpatupad muli ng Manual Load Dropping o Rotational Brownout gaya ng nangyari kahapon.
Kasunod ng paglalagay sa Red Alert Status kahapon, umabot sa 487,000 customer ang naapektuhan ng ipinatupad na rotational brownout.
Tumagal ito ng isa hanggang isa’t kalahating oras sa ilang piling lugar sa Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite at Laguna bago muling naibalik ganap na alas-11:55 kagabi bago tuluyang alisin ang Red Alert Status ganap na alas-12:50 ng madaling araw. | ulat ni Jaymark Dagala