Nananawagan na sa Kongreso ang mga advocates ng medical cannabis na aprubahan na ang panukalang batas tungkol sa legalidad ng paggamit ng marijuana bilang sangkap sa paggawa ng gamot.
Kasunod ito ng pagkakapanalo ng Gold Cup at Gold Medal sa bansang Poland ng gamot na CanCur na ginawa ng Pinoy Scientist na si Dr. Richard Nixon Gomez ng Bauertek Corporation.
Ang CanCur ay gawa mula sa cannabis extract na dumaan sa manufacturing at research ng Bauertek na nasa Guiguinto, Bulacan.
Sa ngayon aprubado na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang legalidad ng medical cannabis habang sa Senado naman ay isinalang na rin sa plenaryo.
Maging si Department of Science and Technology Secretary Renato Solidum ay sumama na rin sa mga nananawagan sa Kongreso na madaliin ang panukalang batas tungkol sa medical cannabis.
Sinabi ni Solidum, dapat itong bigyang pansin ng mga mambabatas dahil gawang Pinoy ito at malaki ang maitutulong sa mga pasyente.
Ang CanCur ay natuklasan na mabisang gamot laban sa cancer, epilepsy, Parkinson, insomnia at maraming iba pa. | ulat ni Mike Rogas