Imposibleng mabawasan ang mga benepisyong ibinibigay sa mga pulis gaya ng Rice Subsidy, Combat Incentve Pay, at Combat Duty Pay.
Ito ang binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) matapos kumalat sa social media ang mga di-umano’y planong bawasan ang mga naturang benepisyo.
Paliwanag ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, hindi maaaring alisin o tapyasan ang mga naturang benepisyo dahil nakasaad ito sa mga umiiral na Executive Order.
Giit pa niya, hindi rin maaaring ipag-utos ng PNP Chief ang pagtatapyas o pag-aalis sa mga naturang benepisyo dahil malalagay sa alanganin ang kaniyang tanggapan gayundin ang buong organisasyon.
Paglilinaw pa ni Fajardo, tanging ang mga nakatalaga sa field ang maaaring makatatanggap ng Combat Duty at Incentive Pay habang entitled naman ang lahat ng kawani ng PNP para sa rice subsidy.
Kahapon, tinawag na fake news ni PNP Chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil ang mga kumakalat na balita sa social media hinggil sa umano’y planong bawas benepisyo sa mga pulis.
Giit ng PNP chief, may mga tila nagnanais lamang sirain ang kaniyang reputasyon sa mga pulis dahil sa magagandang reporma na kaniyang ipinatutupad na magtataas sa morale at dignidad ng kanilang hanay. | ulat ni Jaymark Dagala