Binalaan ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang mga car dealer na ipasasara ang kanilang mga dealership kung hindi sila maglalabas ng mga plaka sa loob ng 11 araw mula sa pagbili ng sasakyan.
Ito ay matapos ianunsyo ng LTO na may sapat na silang driver’s license cards at motor vehicle license plates na tatagal hanggang sa katapusan ng taon, at ang lahat ng four-wheel motor vehicles ay dapat magkaroon na ng kanilang mga plaka sa Hulyo 1.
Binigyang diin niya na ang parehong panuntunan ay ipapatupad sa mga empleyado ng LTO na mabibigong gawin ang kanilang mga trabaho sa pagpapalabas ng mga plaka sa loob ng limang araw mula sa oras na maihain ang mga papeles sa ahensiya para sa pagpaparehistro.
Aniya, kasalukuyang ipinapatupad ang deadline sa Hulyo 1 at huhulihin na ang mga sasakyan na walang plaka o gumagamit ng pansamantalang plaka.
Dagdag ng LTO chief, kanila nang naipadala ang show-cause order sa may 100 dealership, at bibigyan sila hanggang sa susunod na linggo para tumugon.| ulat ni Rey Ferrer