Iniulat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) na bumaba ng 29.9 na porsyento ang mga inireklamong kaso ng cybercrime.
Ayon kay Acting ACG Director Police Brigadier General Ronnie Francis Cariaga, ito ay base sa datos mula January 1 hanggang May 9 ng taong kasalukuyan kung saan 6,151 reklamo ang naitala, kumpara sa 8,775 reklamo sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Ang mga cybercrime na may pinakamalaking ibinaba ay ang Online Selling Scam, Investment Scam, at Phishing Scam.
Sinabi ni Cariaga na ang pagbaba ay nagpapakita ng progreso sa pagtugon sa mga “digital threat” at sa pagpapatupad ng “cybersecurity measures” ng mga negosyo at pamahalaan.
Ipinapakita aniya nito ang kahalagahan ng patuloy na kolaborasyon, kooperasyon, at pagiging alerto ng lahat ng sektor ng lipunan laban sa “cyber risks.” | ulat ni Leo Sarne